Print Version    Email to Friend
Para sa aking mga kababayan

Dahil sa kahirapan at kakulangan ng oportunidad sa sariling bayan, marami sa ating mga kapwa Pilipino ang nangingibang bansa upang manilbihan. Buong tapang na nakikipagsapalaran sa ibang bansa kahit hindi alam kung anong kalagayan ang haharapin at anong pagtrato ang dadanasin sa magiging amo.

Di inaalintana kahit ang sariling kaligtasan at walang kasiguruhan, kahit marami na ang napabalita na naabuso o napagsamantalahan. 

Iba-iba ang ating mga pakay kung bakit tayo nagpasyang mangibang bayan. Maaaring, upang mapag-aral ang mga anak, kapatid, o pamangkin para sa kanilang kinabukasan. Anuman ang dahilan, sigurado ako na ang ugat ng lahat ng pagsasakripisyo ay ang lubos na pagmamahal para sa kanila.

Karamihan ay binaliwala ang sariling kaligayahan at pangangailangan upang maipadama lang sa ating pamilya ang ating pagmamahal, pagmamalasakit at pagpapahalaga.

Ngunit ang masakit ay ang malaman na hindi lahat ay pinalad na masuklian sila ng katumbas na pagmamahal. Marami ang hindi napapahalagahan ng sariling mga pamilya dahil nakatuon lamang ang kanilang isipan sa perang ipinapadala buwan-buwan.

At ang masaklap sa lahat, ang perang pinagpaguran ay minsa’y napupunta pa sa di magagandang bagay na maaaring magdulot ng away at tuluyang pagkawasak ng pamilya. Maaaring hindi nila naiintindihan ang hirap ng trabaho, haba ng oras at tunay na kalagayan ng pagiging isang OFW—hindi nila alam ang lahat ng ating pagtitiis alang-alang sa kanila.

Para sa mga pamilya ng mga kapwa kong OFW, ang panawagan at dalangin ko ay nawa’y malaman nila ang inyong hirap at sakripisyo upang magkaroon sila ng pagmamalasakit para sa inyo. Nawa’y huwag sana nilang hintayin na maging huli ang lahat, at dumating sa puntong masambit nila ang katagang “Kung maibabalik ko lang ang kahapon, upang maipadama ko lamang ang pagmamahal at pagpapahalaga ko sa kanya...”

Nawa’y huwag sana nilang hintayin na may mang-
yaring di kaayaya sa inyo bago nila maisip at makita ang mga bagay na ito. Tulad na lang sa nangyari sa akin, na mapunta sa kulungan at makulong ng mahabang panahon.

Malaki na rin ang pasalamat ko sa Diyos na mapunta ako dito at makulong ng labing tatlong taon at mahigit, dahil dito ko nakita ang mga bagay na hindi ko binigyan ng halaga dahil sa nakatuon ang aking isipan sa pera, trabaho at sariling kaligayahan.

Lagi sana nating tandaan na hindi natin hawak ang bukas. Walang sinuman sa atin ang makapaggarantiya na sa tuwing ipipikit natin ang ating mga mata tayo ba’y magigising pa. Kaya sa bawat paggising natin sa umaga ay isang malaking biyaya mula sa Amang Lumikha na dapat lagi nating pinasasalamatan.

Nawa’y ugaliin nating ipadama araw-araw ang ating pagmamalasakit, pagmamahal at pagpapahalaga para sa isa’t isa upang maiwasan natin ang malaking paghihinayang.

Tayong mga Pilipino ay kilala sa malaking bilang sa pagiging Kristiyano. Ngunit, ayon sa Bibliya, Santiago 2:14-20, karamihan sa mga nanampalataya ay kulang sa gawa. Kailangang samahan natin ng mabu-ting gawa ang ating pananampalataya para ito’y maging makabuluhan.

Sa mga pamilyang may mga mahal sa buhay na nagsasakripisyo sa ibang bansa, ang pagmamahal, pagmamalasakit at pagpapahalaga para sa kanila ay ilan sa mga mabubuting gawa na dapat nating taglayin at isabuhay.

Para sa mga kapwa ko OFW, saan man tayo naroroon, nararamdaman ko ang inyong hirap at pangungulila para sa inyong mahal sa buhay dahil tulad ninyo, ako din ay nasa bansang banyaga. Ang pagkaiba lang natin ay ako’y nasa kulungan upang pagbayaran ang kasalanang nagawa sa lipunan.

Magkaiba man ang ating sitwasyon, sigurado ako na iisa lang ang ating kinakapitan at pinaghuhugutan ng lakas-ang Amang Makapangyarihan. Kahit anuman ang mangyari, ituoon natin ang ating isipan sa positibo.

Naniniwala ako na nakikita ng Diyos ang ating hirap at sakripisyo. Lahat ng ito ay may hangganan at mayroong gantinpalang nakalaan para sa ating pagtitiyaga at paniniwala. Malimutan man tayo ng ating pamilya at mga kaibigan ngunit ang Diyos ay di tayo iiwan at lagi nating kasama. Ang mahalaga ay kung paano natin harapin ang mga pagsubok sa buhay. 

Ang layunin ng mensahe kong ito ay upang mabasa ng mga mahal natin sa buhay na nakakalimot na bigyan ng halaga ang ating mga pinagdadaanan at sakripisyo. Nawa’y maging daan ito upang mabuksan ang kanilang isipan at mapantig ang kanilang mga puso.

At higit sa lahat, nawa’y sila’y gabayan ng Poong Hesus upang buksan ang kanilang puso ng lubos na pagmamahal para sa inyo.

Nawa’y ang pag-ibig at kapayapaan ng Poong Maykapal ay laging sumainyo, saan man kayo naroroon.

Aking taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga kapwa ko Pilipino na boluntaryong dumadalaw sa amin dito sa kulungan at walangsawang naglalaan ng kanilang panahon tuwing araw ng kanilang pahinga.

Maraming salamat po sa inyong buhay na pananampalataya. Ang dalangin ko’y palagi sana tayong pagpalain ng pagmamahal at patnubay ng Poong Maykapal.

 

 

 • Lolito Balila
Stanley Prison