CATHOLIC NEWS OF THE WEEK . Saturday, 23 September 2017

Print Version    Email to Friend
Pananampalatayang nagpasasalamat!

Sinabi sa aklat ng Roma 10: 9, “Kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.” Ang ating pananampalataya ay ang tunay na tulay para sa ating kaligtasan, kalayaan at kagalingan. Ipahayag natin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasabuhay nito.

Ano ba ang tunay na pananampalataya? Faith is knowing Jesus and to have a personal knowledge and encounter with him. Ang tunay na pananampalataya ay ang pagkaroon ng malalim na ugnayan kay Hesus. Ibig sabihin, na dapat kilalanin natin si Hesus para bigay todo tayo sa pagsunod sa kanya. Pag hindi mo kilala ang isang tao, hindi ka susunod sa kanya. Pag sinabi nya sa iyo, “ibigay mo ang cellphone mo sa akin” hindi mo ibibigay, kasi hindi mo siya kilala. 

Pero kung ang tao ay lubusan mong kilala, hindi ka magdududa sa kanya. Ibibigay mo ang hiningi niya kasi may tiwala ka sa kanya. Ito ang hamon sa ating ebanghelyo sa Linggong ito, na kilalanin natin si Hesus sa pamamagitan ng pagbasa at pagninilay sa salita ng Diyos. 

Kung kilala natin si Hesus, sigurado ako na susunod tayo sa kanya, dahil siya ang tunay nating kaligtasan.

Sa ating ebanghelyo sa araw na ito sinabi may sampung ketongin na nagmakaawa kay Hesus. Sabi nila, “Hesus, Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” At sila’y pinagaling ni Hesus. Isang tawag lang kay Hesus, pinagaling kaagad! Bakit? 

Ano ba ang sinabi ng mga ketongin. Malalim ang pagkakilala ng mga ketongin kay Hesus. Alam nila na si Hesus ang Mesiyas. Di ba sinabi nila, Hesus, Panginoon. Kilala nila si Hesus ay ang Mesiyas. Si Hesus ang Panginoon. Alam nila na si Hesus ang kanilang pag-asa para maging malinis sila at pagalingin sa kanilang sakit.

Sinabi ni Hesus sa kanila, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.” Ang saserdote o pari ang maghahatol kung ang mga ketongin ay karapat-dapat na bang bumalik sa kanyang komunidad at pamilya. Sa panahon ni Hesus, ang mga may sakit ng ketong ay tinuturing makasalanan at dapat sila’y ilayo sa komunidad at kanilang pamilya.

Nang gumaling na sila, isa lang ang nagpasalamat kay Hesus. At ang taong ito ay Samaritano. Kinalimutan nang siyam na magpasalamat kay Hesus. May mga panahon na ganito rin tayo, hindi marunong magpasalamat kay Hesus. Wag natin kalimutan na magpasalamat kay Hesus. Siya ang ating buhay at ang ating kalakasan. Sa bawat day-off natin, tayo ay pumunta sa simbahan at magpasalamat sa Panginoon. Sa kabila ng mga pagsubok at suliranin sa buhay, magpasalamat pa  rin tayo sa Diyos. 

Ito ang tunay na pananampalataya. Dahil ang tunay na pananampalataya ay laging nagpapasalamat sa Diyos. Sa tagumpay at kabiguan, magpasalamat tayo sa Panginoon. Kung may mga pagsubok tayong hinaharap hindi ito dahilan ng hindi tayo manalangin at magsimba. Bagkus dapat tayong lumapit kay Hesus para humingi ng gabay at lakas para maharap natin ang ating mga suliranin sa buhay.

Magpasalamat palagi sa Panginoon, ito ay isang pagsasabuhay ng ating pananampalataya.

 

 

       • Father Jay Flandez SVD