Print Version    Email to Friend
Panalanging nagpakumbaba

Ano ba ang tunay na panalangin? Sinabi sa ating Katesismo (Catechism of the Catholic Church 2098)...prayer is an indispensable condition for being able to obey God’s commandments. (We ought always to pray and not lose heart. Lk. 18:1).

Ang panalangin ay mahalaga sa ating buhay, ito ay nagbibigay ng direksyon at kabuluhan ng ating paglalakbay sa mundong ito.

Sa ating pagbasa sa Linggong ito si Hesus ay nagbigay ng isang kwento tungkol sa dalawang klaseng tao na nananalangin sa loob ng templo. Ang isa ay Pariseo at ang isa naman ay Publikano. 

Sa kapanahunan ni Hesus ang mga Pariseo ay isang pangkat ng mga Hudeo na nagsusumikap sumunod sa batas ni Moises para mapabanal ang kanilang pamumuhay.

Pero karamihan sa mga ito ay pakitang-tao lamang ang kanilang pagsunod sa batas. Para bang, ginawa lang nila ito para mapansin sila. Ito ang dahilan bakit si Hesus ay galit sa karamihan ng mga Pariseo dahil mali ang kanilang pagsasabuhay sa batas ng Diyos.

Tingnan natin ang panalangin ng isang Pariseol, “O Diyos, ako’y nagpapasalamat sa iyo na ako ay hindi katulad ng ibang mga tao, na magnanakaw, magdaraya, nakikiapid; hindi ako katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo, nagbabayad ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.”

Tama naman ang kanyang panalangin di ba? Pero bakit hindi natuwa si Hesus sa kanyang panalangin? Ano ba ang mali? Tingnan muna natin ang panalangin ng Publikano, “O Diyos, maawa ka sa akin, na isang makasalanan.”

Sa palagay ko, walang mali sa panalangin ng Pariseo, ang kanyang mali ay ang kanyang pakikitungo o ang kanyang attitude sa pagdadasal. 

Masyado na siyang mayabang. Para bang sinabi niya sa Diyos, “O, kita mo Lord, kaya ko lahat ang mga batas, nag tithes ako, nag-aayuno ako, hindi kagaya ng iba dyan makasalanan.” Ito ang pinuna ni Hesus, ang kanyang attitude sa panalangin.

Kung tayo’y manalangin dapat marunong tayong magpakumbaba. Iwasan nating magkumpara sa iba. Dahil ang panalangin ay isang personal na pag-uusap sa Diyos. 

Bagkus dapat marunong tayong umintindi sa kapwa natin, kung papaano natin sila tutulungan sa kanilang pakikipag-relasyon sa Diyos.

Sabi nga, “The more we pray, the more we learn to be humble.” Dahil ang pinaka- importante sa panalangin na tayo’y marunong sumunod sa kalooban ng ating Amang nasa langit. 

Kung hindi tayo marunong magpakumbaba, paano natin sundin ang kanyang kalooban. Kung hindi tayo magpakumbaba ang sarili ang sinusunod natin, hindi ang Diyos. Ito ang nangyari sa Pariseo ang sarili ang sinusunod, gusto niya na sikat sya, bida sya at ang Publikano ay kontrabida. Pero sa mata ng Diyos, nabaliktad at ang Publikano ang nagiging bida. Dahil para sa Publikano ang bida hindi ang kanyang sarili, ang Diyos ang bida. 

Ang Diyos ang magliligtas sa kanya. Di ba sabi n’ya, “O Diyos, maawa ka sa akin...” Si Hesus ang bida, dahil S’ya ang ating tagapaglitas.

Nawa’y sa ating panalangin buksan natin ang ating isipan at puso para sundin palagi ang kalooban ng ating Amang nasa langit. Magpakumbaba tayo, at tanggapin natin na si Hesus, ang ating tunay na bida, tunay na sentro sa ating panalangin, hindi ang ating sarili.

Tandaan natin, kung tayo ay nananalangin ang ating oras at lakas ay binigay natin sa Diyos. Ang sarili natin ay naliliman sa presensya ng Diyos. Ang nakita sa ating panalangin ay Diyos, hindi ang sarili.

 

       Father Jay Flandez SVD