CATHOLIC NEWS OF THE WEEK . Saturday, 25 March 2017

Print Version    Email to Friend
Ang buhay sa langit kapiling ng Diyos

Sumalangit nawa” o “sumalangit nawa  ang kanyang kaluluwa.”  Isang katagang laging sumusunod kapag binabanggit natin ang pangalan ng isang namatay na.

Bahagi na ito ng ating pananampalataya na ang mga namatay na nanalig sa Panginoon ay kapiling niya sa kabilang buhay.  Hindi nga ba at sa tuwing sasapit ang ikadalawa ng Nobyembre (sa Pilipinas ay sa unang araw ng Nobyembre) ay  inaala natin ang ating mga namatay at tinatawag natin itong Araw ng mga Kaluluwa o Undas. 

Parang pinagtugma na ang ebanghelyo natin ngayong Linggong ito ay tumutukoy hindi sa patay kundi tungkol sa pagkabuhay na mag-uli.

Una, ang tao, sa awa at pagmamahal ng Diyos ay hindi namamatay.   Noong panahon ni Hesus ay may mga taong hindi naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli.  Sila ay gumawa ng paraan nang sa gayon ay mapatunayan nila na wala ngang buhay sa kabila ng mundong ito.  Ginamit nila ang batas noong panahon ni Moses tungkol sa isang balo na muling nag-asawa. 

Subalit para kay Hesus, ito ay isang batas dito sa lupa.  Pagsapit natin sa kalangitan ay hindi na tungkol sa batas ng pag aasawa ang ating pag-uusapan.

 Bagkus kanyang nilinaw na tayong lahat ay mistulang mga anghel at lahat tayo ay ituturing na anak ng Diyos.  

Pinapakita lamang dito na hindi lamang may buhay sa kabila, sinasabi rin dito ang ating magandang kasasapitan.

Pangalawa,  ang Diyos ay Diyos ng mga buhay.  Kung sino man ang makaririnig ng ganitong mga kataga ay mapupuno nang pag-asa.  Dahil sa pananalitang ito ng ating Panginoon ay nagkaroon ng lahat ng kabuluhan ang ating pananampalataya at ang ating pagsusumikap.

 Ganundin ang pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan, at ang pagsusugo niya ng kanyang bugtong na anak ay nagkaroon ng saysay.  Mayroon pa ngang nasulat na kahit na maging ang ilang mga Escriba ay natuwa sa tugon nang ating Panginoon sapagkat maging sila man ay naniniwala din na mayroong pagkabuhay na mag-uli.  Hindi katakatakang marami sa atin, higit sa lahat ay ang mga martir ng Simbahan, ay hindi alintana ang hirap at pagbubuwis ng
buhay dahil sa pananampalataya.  Ang buhay na alay sa Diyos dito sa lupa at hindi makapapantay sa buhay na bigay ng Diyos sa kalangitan.  

Sa tuwing sasambitin natin ang katagan “Sumalangit nawa”, ito ay kataga na nagpapahiwatig nang ating pananampalataya. 

Mapuno nawa ang ating mga puso ng pag-asa.  Magsumikap tayo habang nandito sa lupa.  At higit sa lahat ay maging sanhi nawa ang paniniwalang may pagkabuhay na mag-uli upang tayo ay patuloy na magpahayag ng mabuting balita sa ating kapwa.  Ating ibahagi na si Hesus ay naparito upang tayo ay akayin patungo sa kalangitan.

Sa langit makakapiling natin ang ating Diyos Ama.  Ang Diyos ng mga buhay.

 

 

       Father Alfredo Rollon SVD