CATHOLIC NEWS OF THE WEEK . Saturday, 12 August 2017

Print Version    Email to Friend
Pamayanang Kristiyano bilang Asin at Ilaw

Ilang taon na ang nakalilipas ng ipagdiwang ng  Simbahang Katoliko ang Taon ng mga Layko o yung “Year of the Laity.” Ang pagdiriwang ay nagmistulang  pagpaparangal sa mga layko na siyang masasabi nating buhay ng Simbahan, sapagkat sa kanila masasalamin ang  buhay ng komunidad na itinatag  ng ating Panginoong Hesuskristo.   

Ngayong taong ito ay binibigyang pansin naman ang mga pamayanan o sambayanang Kristiyano na may tema na The Parish as Communion of Communities

Muli ay pinahahalagahan ang partisipasyon ng mga Layko sa ating simbahan. Ang ebanghelyo ngayon ay makakatulong kung paano mapapalalim ang pang-unawa ng mga tagasunod ni Krito kung ano ang kahalagahan nila hindi lamang sa Simbahan kundi ganon na rin sa lipunan.

Una, sa ebanghelyo ngayong Linggo ay sinambit ni Hesus sa kanyang mga alagad na: “Kayo’y asin ng sanlibutan... kayo’y ilaw sanlibutan.” 

Dalawang mahahalagang bagay sa buhay ng isang tao.  Ang asin ay isa sa pinakapangkaraniwang pampalasa ng pagkain. Sa panlasang Pinoy, ang isang ulam ay pangkaraniwang nangangailangan ng alat upang ito ay maging malasa.  

Maging ang mga tuyong isda at pusit na paborito sa ating mga hapag lalo na pag almusal ay ginagamitan din ng asin hindi lamang upang ito ay maging malasa kundi upang maiwasan ang pagkabulok.   

Sa kabilang banda, ang Ilaw ay siya ring isa sa pinakamahalagang gamit sa ating buhay.  Sino nga ba ang nais mamuhay sa gitna ng dilim?  Sa gitna ng dilim ng gabi ay isang kaaya-ayang tanawin ang isang ilaw maging ito man ay de koryente o ginagamitan ng langis.  Maging ang ilaw ng isang munting kandila ay maaring maging gabay ng sinumang nagnanais na tumahak sa dilim.  

Sa  ganitong paraan inilalarawan ni Hesus ang katangian ng isang tunay na tagasunod.  Ikaw ba ay isang asin sa iyong komunidad?  Ikaw ba ay isang ilaw sa gitna ng karimlan?

Pangalawa ay binibigay din ni Hesus sa kanyang mga tagasunod ang hamon upang panatilihin ang kanilang alat.  Mangyayari lamang ito kung sila ay mananatili sa ating Panginoon at patuloy na susundin nag kanyang mga aral at gawi.  

Para sa mga layko, mahalaga ang patuloy na pagbabasa ng Salita ng Diyos o bibliya at ganon din ay ang pakikibahagi sa mga gawaing pangkabanalan ng Simbahan.  Ang patuloy na pagdalo sa Misa at pagtanggap ng sacramento ay mahalaga para mapanatili natin ang ating “alat” bilang isang layko.  

At bilang isang ilaw, mahalaga sa layko ang buhay ng pagpapatotoo o “witnessing.” 

Hindi dapat itago at ikahiya ang pagiging isang layko.  Ibahagi ang Salita ng Diyos saan man tayo naroon.  Gamitin ang teknolohiya gaya ng celfone at computer ng sa ganon ay marami pa ang makaalam sa Diyos.  Maging tanglaw nawa ang buhay ng layko para sa ibang tao.

Para sa mga layko na kabahagi ng parokya at mga mumunting pamayanan, nawa ay pagsumikapan natin tupdin ang pinag-uutos sa atin ni Kristo na maging alat at tanglaw sa bawat sandali ng ating buhay.

 

      • Father Alfredo Rollon SVD