Print Version    Email to Friend
Seventeenth Sunday of the Year—Bayanihan

Isa sa mga magagandang kultura ng mga Pilipino ay ang bayanihan. Tayo’y nagtutulungan kung ang ating kapwa ay nangangailangan. Nagbibigay tayo ng ating makakaya para lang makibahagi at ipakita natin ang ating pagkakaisa sa mga nangangailangan. Subok na natin yan dito sa Hongkong, noong may kalamidad ang ating bayan, tayo’y nagkaisa at nagtulong-tulong para sa ating mga kababayan.
 
Sa ating ebanghelyo ang mga alagad ay nagtulong-tulong kung papaano nila pakainin ang napakaraming tao. Hinamon ni Hesus ang mga alagad kung papaano pakakainin ang mga tao, sabi ni Hesus kay Felipe, “Saan tayo bibili ng mga tinapay upang makakain ang mga tao dito? Sinabi ito ni Hesus para subukin si Felipe. 
 
Ang mga kalamidad, problema sa buhay natin ay isang pagsubok kung papaano natin harapin o solusyonan ang problema natin. Alam ng Diyos na may kakayahan tayo na harapin ang pagsubok sa buhay natin. 
 
Paano ba nalutas ang problema ng mga alagad, kung papaano nila pakainin ang napakaraming tao? Nalutas ang problema dahil may nagbahagi ng kanyang pagkain. Sabi sa ating ebanghelyo, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda.” 
 
Pero paano yan magkasya sa napakaraming tao, baka isang tao lang yan. Ang ginawa ng bata ay binigay niya ang kanyang pagkain kay Hesus at ito ay pinarami niya. Ano ang punto ng ating ebanghelyo?
 
Una, ano man ang ibigay natin sa Diyos ito ay kanyang pagpalain at paramihin. Kung hindi binigay ng bata ang kanyang dalang isda at tinapay, sa tingin n’yo ba ang mga tao ay makakain? 
 
Baka hindi, dahil binahagi at binigay ng bata ang kanyang dalang pagkain, ito ay pinarami ni Hesus.  Ganon din sa buhay natin mga kapatid, kung marunong tayo magbigay para sa Diyos, hindi tayo pababayaan ng Diyos lalo niya tayong pagpapalain. 
 
Wag natin kalimutan na magsimba tuwing Linggo at magpasalamat sa Diyos. Partihan natin ang Diyos sa ating day-off, magsimba tayo at magpasalamat sa Diyos.
 
Ikalawa, dahil ang mga alagad ay nag “bayanihan” sa paglutas ng kanilang problema, ito ay nasolusyonan. Sila ay nagtulong-tulong at nagkakaisa sa panahon ng kagipitan. Walang problema na hindi natin malulutas kung tayo ay magkakaisa. 
 
Bilang mga dayuhan, dapat tayo ay magkaisa.  Malayo tayo sa ating bayan at sa ating mga mahal sa buhay, ang ating mga kababayan ay nagsilbing ating pamilya. Magkaisa at magbayanihan tayo. Kung may mga kapatid tayo na nagkaproblema tulungan natin, magbayanihan tayo kung paano harapin at lutasin ang problema. 
 
Maraming pangyayari na dahil sa problema ang pamilya, komunidad ay nagkakaisa. Hindi naman tayo nagdasal ng problema, ibig ko lang sabihin, na ito rin ang pamamaraan ng Diyos na bigyan tayo ng suliranin para tayo ay magbayanihan.
 
 ● Father Jay Flandez SVD