CATHOLIC NEWS OF THE WEEK . Saturday, 24 August 2019

Print Version    Email to Friend
Fifteenth Sunday in Ordinary Time - Pagmamahal ni Kristo paglilingkod sa kapwa!

“Sino naman ang aking kapwa?” (Lc. 10:29). Sa ating ebanghelyo sa Linggong ito, tayo ay tinuturuan ni Hesus na ang tunay na pakikipag-kapwa ay hindi lamang yaong kalahi natin, kaibigan natin, kakilala natin. Ang tunay na pakikipag-kapwa ay ang pag-galang at respeto ng iba tao. Madaling paglingkuran o pagsilbihan ang taong kakilala natin. 
 
Madaling paglingkuran ang ibang tao kung may kapalit na pera. Tayo ay naglilingkod sa ating mga Amo dahil, gusto nating may trabaho para magka-pera. 
 
Ang pakikipag-kapwa ay pagbibigay buhay. 
 
“Ngunit may isang Samari-tanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinirang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian. Saka isinakay ang tao sa kanyang sinasakyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan, at inalagaan doon.” Ang Samaritano ay tunay na nakikipag-kapwa sa biktima, na isang Judio. Ano man ang lahi mo, huwag mong pagdamotan ng tulong ang ibang tao.
 
Hindi dahilan ang pagkakaiba natin para hindi tayo tutulong sa kapwa natin. Hindi pwede sabihin, “ay sorry ha, kasi Pilipino ako at ikaw hindi, ay sorry ha dahil Katoliko ako at ikaw hindi, ay sorry ha, dahil residente ako at ikaw hindi!” Ang tunay na Kristiyano ay marunong makikipag-kapwa at pinahalagahan ang buhay. 
 
Ang pakikipag-kapwa ay ang pagpapahayag ng ating pananampalataya.
 
“Nagkataong dumaan doon ang isang saserdote at pagkakita sa taong nakahandusay, siya’y lumihis at nagpatuloy ng kanyang lakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit tiningnan lamang niya at nagpatuloy ng kanyang lakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na naparaan doon. Nakita niya ang hinirang at siya’y nahabag. Lumapit siya, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat nito at tinalian.” (Lc. 10: 31-34). Ang saserdote at Levita ay nang-gagaling pa sila sa templo para sa ritwal ng paglilinis. At ang paniniwala nila, na kung sila ay hahawak ng isang taong maysakit, malapit ng mamatay, sila ay magiging marumi. Ito ang dahilan bakit lumihis at iniwasan sa pagtulong ang biktima. Tinuruan tayo ni Hesus, na ang tunay na pananampalataya ay ang pagsasabuhay nito. 
 
Ang pananampalataya ay hindi lamang sa pagsasaulo ng mga bersikulo ng bibliya, hindi lamang sa mga doktrina, kundi ang pagbibigay buhay sa pananampalataya natin. Mahalaga ang mga doktrina, ang pagbabasa ng bibliya, pero kung ang ating pamumuhay bilang mga Kristiyano ay walang pagmamahal at pagkahabag at pagtulong sa kapwa hindi tayo tunay na alagad ni Kristo. 
 
Kung mahal natin si Kristo, mahalin natin ang ating kapwa tao!
 
 
● Father Jay Flandez SVD